Sisilipin ng Department of Energy o DOE kung may naganap na maling pagpepresyo o posibleng market abuse sa gitna ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, inatasan niya ang DOE Legal Services Bureau na makipag-ugnayan sa Philippine Competition Commission at Philippine Electricity Market Corporation para suriin ang sitwasyon.
Batay sa datos ng IEMOP, umakyat ng halos 65 porsiyento ang presyo ng kuryente sa Visayas, sa ₱18.59 kada kilowatt-hour.
Mas mataas naman ang itinaas sa Mindanao, na umabot sa 88.2 porsiyento o ₱19.56 kada kilowatt-hour.
Iniuugnay ang pagtaas sa yellow at red alerts sa dalawang grid.
Samantala, bumaba naman ng 34.2 porsiyento ang presyo sa Luzon, sa ₱4.80 kada kilowatt-hour. Sinabi ng DOE na kung mapatutunayang may market abuse, dapat managot ang mga responsable. Kung wala naman, maaaring kailanganing baguhin ang mga polisiya sa sektor ng kuryente.