Malugod na tinanggap ng Department of Tourism (DOT) ang unang direktang flight ng Riyadh Air mula Riyadh, Saudi Arabia patungong Maynila.
Inaasahang higit nitong mapapalakas ang konektibidad sa himpapawid gayundin ang ugnayang pang-ekonomiya at turismo sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia.
Araw-araw isasagawa ang bagong flight service gamit ang 290-seat Boeing 787-9 Dreamliner, na magbibigay ng mas maginhawa at accessible na opsyon sa paglalakbay para sa mga turista, business traveler, at Overseas Filipino Workers (OFWs).
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang inaugural flight mula Riyadh na may sakay na 43 pasahero. Samantala, nasa 205 pasahero naman ang bumiyahe pabalik ng Riyadh.
Bukod sa Riyadh Air, kasalukuyan ding nagpapatakbo ng direktang flight mula Saudi Arabia patungong Pilipinas ang Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific Air, at Saudi Arabian Airlines.
Ayon sa DOT, umabot na sa 19,011 ang mga dumating sa Pilipinas mula Saudi Arabia hanggang Setyembre 20. Inaasahang makatutulong ang bagong direktang serbisyo sa pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa, partikular sa turismo, negosyo, at paglalakbay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia.