Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kanila nang iiwan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsasapubliko kung ano ang magiging kapasiyahan nito hinggil sa excise tax.
Kasunod na rin ito ng kumpirmasyong naisumite na ng Department of Finance sa Office of the President na tapyasan ang excise tax sa LPG at kerosene.
Ayon kay Castro, magiging mabilisan ang gagawing pagpapasiya tungkol dito ng Punong Ehekutibo matapos na makarating na sa kanya ang rekomendasyon.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Castro kung ano ang detalye o nilalaman ng naisumiteng rekomendasyon sa Pangulo na naipadala na kamakalawa.
Subalit batay sa ilang naglabasang ulat, targeted approach sa pagtulong tulad ng subsidy at iba pang assistance para sa mga vulnerable sectors tulad ng mga mahihirap, miyembro ng transport sector at agri sector ang naging rekomendasyon sa Presidente.
