Patuloy na titindigan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang pagtiyak ng kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda na naglalayag at naghahanap-buhay sa mga katubigang sakop ng West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera sinabi nitong patuloy ang pagkondena ng kanilang ahensiya sa marahas, agresibo at hindi sibilisadong aksiyon ng China laban sa mga Pilipinong mangingisda.
Kaugnay pa rin ito ng pinakabagong insidente ng banggaan sa West Philippine Sea kung saan binangga ng mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard ang BFAR vessel na BRP Datu Magat Salamat.
Ani Briguera, hindi lang danyos sa sasakyang pandagat ang ibinibigay ng China sa mga opisyal na misyon ng bansa kundi isa itong pagtapak sa karapatan ng bansa sa mga katubigang sakop nito.
Mananatili pa rin umano ang panawagan ng BFAR na may karapatan ang mga mangingisdang Pinoy sa mga katubigang sakop ng Pilipinas na pasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa.