Hindi tumitigil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paghahanap ng mga solusyon upang mas mapatibay at mas maging disaster at climate resilient ang mga itatayong flood control projects sa bansa.
Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na sa naging pakikipagpulong niya sa mga international engineering consultant, sinabi ng mga ito na kailangang balansehin ang paggamit ng nature-based solutions at concrete solutions sa pagpapatibay ng flood mitigating projects sa bansa.
Ilan nga sa mga lumutang na pangmatagalang nature-based solutions na pinag-aaralan ng DPWH ay ang paggamit ng natural resources sa sea walls at pag-convert ng mga sementadong basins sa green embankments.
Sa tulong nito ayon kay Dizon ay mas makatitiyak na hindi basta-basta masisira o mabubuwal ang mga flood control project.
Hindi rin titigil ang pamahalaan na bantayang mabuti ang mga gagawing flood control project upang hindi na ito samantalahin pa ng mga kurakot at tiwaling mga opisyal at kawani ng pamahalaan.