Inilahad kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling ang bagong pamamaraan ng mas pinalalakas pang pabahay program ng administrasyon sa ilalim ng 4PH Program.
Sa isinagawang Private Sector Advisory Council Infrastructure Sector Group-Real Estate meeting sa Malacañang ay ipinresenta ang bagong modality kung saan ay magbibigay-daan sa mga developer na maibenta ang kanilang mga housing inventory.
Kabilang dito ang mga condominium units na nasa prime locations partikular sa National Capital Region na hindi pa naibebenta at nagkakahalaga ng ₱3 milyon pababa.
Sa inilatag na presentasyon umano ni Aliling sa Pangulo sa PSAC meeting ay papasok dito ang PAG-IBIG fund.
Sa bagong mekanismo ay sinasabing mabibigyan ng pagkakataon ang mga pribadong developer na makapagbenta ng mas maraming unit at matugunan ang problema sa mga hindi pa nila naibebentang unit.
Binigyang-diin rin sa kabilang dako kay Pangulong Marcos na sa bagong modality ay mabibigyan din ang mga homebuyer ng oportunidad na makabili ng mga pabahay na nasa magagandang lokasyon sa mas mababang presyo at may mababang interest rate.
Kaugnay nito’y sinasabing magkakaroon ng anunsiyo kapwa ang DHSUD at Pag-IBIG hinggil sa guidelines ng nabanggit na bagong Expanded 4PH modality.