Muling ibinabala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo at vape, lalo na sa mga menor de edad.
Kahapon, nagtungo ang MMDA Health, Public Safety and Environmental Protection Office-Plans, Program Development and Monitoring Division sa ilang tindahang malapit sa mga paaralan sa Caloocan City, Manila City, Pasig City, Pasay City, at Quezon City.
Kasabay ng pag-iikot, nagdikit ng sticker signages at namigay ng flyers ang mga tauhan ng MMDA bilang tanda ng patuloy na pagsisikap ng ahensiya na maitaas ang kaalaman ng bawat mamamayan at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.
Layon ng naturang hakbang na mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan laban sa paninigarilyo at paggamit ng vape lalo na sa mga kabataan alinsunod sa Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003.
Ayon sa MMDA, nais nilang maisulong ang smoke free environment sa Metro Manila lalo’t hindi lamang ito nakakaapekto sa ating kalusugan, kundi nakakadagdag din sa polusyon na nakapamiminsala rin sa iba.