Magkakaroon ng bagong 4PH modality ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpapalawak sa kooperasyon ng private developers sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino program.
Kasunod ito ng isinagawang pulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Infrastructure Sector Group-Real Estate, na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dito, inatasan ng Pangulo ang DHSUD at Pag-IBIG Fund na bumuo ng bagong Expanded 4PH modality na magbibigay-daan sa mga private developer na maibenta ang kanilang kasalukuyang condominium inventory.
Saklaw ng bagong programa ang mga condominium unit na nagkakahalaga ng ₱3 milyon pababa, kabilang ang mga unit sa mas accessible at maganda ang lokasyon.
Ayon kay DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling, makatutulong ito sa private developers na maibenta ang kanilang imbentaryo at matugunan ang balanced housing requirement.
Magbubukas din umano ito ng mas maraming financing options at abot-kayang pabahay para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, bukas naman ang ilang developers na magbaba ng selling price para makasali sa programa at mas maraming working-class Filipino ang magkaroon ng access sa condominium units sa mas mababang presyo.