Nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nasa humigit kumulang 80,800 mga pinaniniwalaang pinekeng sako ng bigas.
Kasunod ito ng ikinasang operasyon ng Pulisya sa isang bodega sa Brgy. Batia sa Bocaue, Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang Chinese national at empleyado nitong Pilipina.
Sa ulat ni CIDG Director, PMGen. Robert Alexander Morico II, nasabat ang mga pinekeng sako ng bigas na tinatayang nagkakahalaga ng P800,000.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines dahil sa paggamit naman ng pangalan ng mga lehitimong supplier bigas sa mga iniemprentang sako para makapanloko.
Bukod kasi sa pagnanakaw ng pangalan iba, posible ring magdulot ng peligro sa mga konsyumer ang pagkonsumo nila sa mga produktong inilalagay dito.
Pinuri naman ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr ang mga tauhan ng CIDG, sabay pagbibigay diin nito na nais nilang protektahan ang mga lehitimong negosyo at hindi sila titigil hangga’t may mga pasaway na gumagawa nito.