Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng isang technology-driven platform na magpapalakas sa koordinasyon ng mga law enforcement agency, paaralan, at mga lokal na stakeholder.
Ito’y ayon sa PNP ay upang matugunan ang mga usaping pangseguridad sa mga institusyong pang-edukasyon sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng hakbang na mapalawak ang “Build Partnership. Early Detection. Swift Alert. Tactical Response” (B.E.S.T.) School Alert and Rapid Response System.
Inisyatiba ito ng Police Regional Office 4A (CALABARZON) para mapadali ang agarang pag-uulat, pagbabahagi ng impormasyon, at pagkilos sa panahon ng mga emergency at insidenteng may kinalaman sa seguridad sa mga paaralan.
Isinasaalang-alang ang nasabing programa kasunod ng lumalaking pag-aalala tungkol sa mga kamakailang insidenteng naiulat sa loob ng mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ilalim ng pilot implementation sa CALABARZON, humigit-kumulang 155 paaralan ang nakatakdang gumamit ng application bilang bahagi ng organisadong alert at response mechanism.
Nagbigay-daan naman ito sa mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng mga awtoridad at mga kinauukulang ahensya.
Makikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Information and Communications Technology (DICT) bilang bahagi ng pagsisikap na higit pang mapaunlad at mapanatili ang platform, sakaling palawakin pa ang saklaw ng pagpapatupad nito.