Hinimok ni Akbayan Party-list Rep. Percy Cendaña ang Department of Health (DOH) na maging proactive sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, partikular ang mga ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa insurance gaya ng gsis at sss.
Ito ay upang mapataas ang bilang ng mga direct contributor ng PhilHealth.
Ibinunyag ito ni Cendaña bunsod ng datos mula sa PhilHealth na nagpapakitang kulang na kulang ang pondo ng ahensya para sa mga programang direktang mapapakinabangan ng mga direct contributor ngayong taon.
Batay sa pagtataya, aabot sa ₱240 bilyon ang gagastusin ng PhilHealth ngayong taon. Ito ay sa kabila ng receivable pang ₱112 bilyon mula sa sin tax law at ₱42 bilyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa interpelasyon ni Cendaña sa deliberasyon ng badyet ng DOH, lumitaw na may kakulangang umaabot sa ₱170 bilyon ang PhilHealth upang ma-cover ang mga serbisyong pangkalusugan sa susunod na taon (2027).
Bilang pagtugon, sinabi naman ni Appropriations Senior Vice Chair Albert Garcia na kasama na sa plano ng DOH at PhilHealth ang pakikipag-partner sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa data sharing.
Layunin nitong mapataas ang bilang ng mga direct contributor ng ahensya at mapunan ang pondo na kinakailangan para sa mga programa ng PhilHealth.