Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na hindi lang mayayaman ang makikinabang sa pagsususpinde ng excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Aquino, lahat ng Pilipino ay apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, partikular ang mga nasa transport sector, delivery riders, magsasaka, mangingisda, small producers at entrepreneurs.
Aniya, ramdam na rin ng mahihirap at middle class ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng senador, na naibigay na ng Kongreso kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kapangyarihang magsuspinde ng VAT at excise tax sa petrolyo hanggang katapusan ng taon.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa pamahalaan na gamitin na ang naturang kapangyarihan at alisin muna ang VAT at excise tax sa petroleum products bilang dagdag na tulong sa mga Pilipino.