Nagsimula na muli ang National Food Authority (NFA) sa procurement ng palay ngayong wet harvest season sa halagang ₱27-₱30 kada kilo para sa clean at dry palay.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa ₱22 kada kilo naman ang buying price para sa wet palay, na mas mataas kumpara sa kasalukuyang presyo ng ilang traders.
Sa ngayon, umiiral ang mataas na presyo ng palay sa ilang rehiyon, kabilang ang Region 8 at Region 12.
Mula naman Enero hanggang Setyembre 2026, umabot na sa 92,032 metric tons ang nabili ng NFA na palay, katumbas ng tinatayang ₱2.5 bilyon.
Para mapabilis ang procurement, sinimulan na ring ipatupad ng NFA ang Purchase Order o PO System para sa mga magsasaka. Sa ilalim nito, nagtatanim palang ang mga magsasaka ay kinokontrata na sila ng NFA.
Bukod dito, patuloy na umiiral ang fast lane para sa mga maliliit na magsasaka.
Tiniyak naman ni NFA Admin Lacson na nasa ₱11.1 bilyon pa ang pondo nito para sa pagbili ng palay.
Umaasa ang NFA na makatutulong ang mas mataas nitong buying price para maimpluwensyahan din ang presyuhan ng mga traders.