Muling nagpatupad ng panibagong balasahan sa Command Group ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa General Orders na pirmado ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, itinalaga si PLtGen. Wilson Joseph Lopez bilang bagong Deputy Chief PNP for Administration.
Papalit naman kay Lopez bilang Deputy Chief PNP for Operations si PLtGen. Neri Vincent Ignacio buhat sa pagiging The Chief of Directorial Staff (TCDS) ng PNP.
Uupo naman sa iiwanang puwesto ni Ignacio bilang no. 4 man ng PNP si PMGen. Redrico Maranan na dating Direktor ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Epektibo ang naturang balasahan sa matataas na opisyal ng PNP ngayong araw, kasunod ng pagreretiro ni PLtGen. Bernard Banac.