Ramdam na ng ilang jeepney driver sa Anonas, Quezon City ang dagdag-kita mula sa ipinatupad na taas-pasahe simula kahapon.
Mula kasi sa dating ₱13, naging ₱14 na ang minimum fare sa traditional jeepney, habang ₱2 ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.
Sa pag-iikot ng RP1 team sa Anonas, nakapaskil na sa mga jeep, gaya ng kay Kuya Jaydie Cabawatan, ang fare matrix para malinaw sa mga pasahero ang bagong pamasahe.
Aniya, nasa ₱200 na ang nadagdag sa kanyang kita kahapon muna nang maging epektibo ang fare increase.
Ayon naman kay Mang Benjie Montecalvo, malaking tulong ang dagdag-pasahe dahil kahit paano ay nakabawi sila sa gastusin.
Ikinatuwa rin nito ang rollback sa presyo ng diesel, gayundin ang ₱12 fuel subsidy na ipinagkakaloob sa mga piling gasolinahan.
Umaasa naman ang mga tsuper na magtuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng diesel para hindi na kailanganin ang taas-pasahe.