Abot-kamay na sa mga Pilipino ang mas murang gamot sa pormal na pagbubukas ng flagship outlet ng Pambansang Botika.
Pinangunahan nina Philippine Pharma Procurement Inc. (PPPI) President at CEO Maria Blanca Kim B. Lokin, PPPI Chair Winnie Castelo, PhilHealth VP Walter Bacareza, at SSS President at CEO Robert Joseph De Claro ang pagbubukas ng botika sa SSS Diliman Branch sa Quezon City.
Ayon sa PPPI, higit 200 gamot ang mabibili rito kabilang ang 76 essential medicines na sakop ng PhilHealth YAKAP program.
Kabilang dito ang maintenance medicine na amlodipine 5mg sa halagang ₱1, losartan 100mg sa ₱5.00, at metformin 500 mg na nagkakahalaga lang ng ₱1.50.
Sa partnership ng PPPI at SSS, maaaring bumili ng maintenance medicines ang mga SSS member at pensioner habang inaasikaso ang kanilang mga transaksyon sa SSS.
Mayroon ding accredited PhilHealth YAKAP primary care provider sa loob ng pasilidad kung saan maaaring magpakonsulta at sumailalim sa diagnostic services ang mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng PhilHealth GAMOT package, maaaring makakuha ng libreng mga iniresetang gamot ang kwalipikadong benepisyaryo, kaya nagsisilbi itong one-stop healthcare facility para sa mga miyembro ng SSS at iba pang PhilHealth members.
Target naman ng PPPI na palawakin pa ang Pambansang Botika sa buong bansa, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang partner na nais mag-franchise nito.