Hinimok ng Manila Water ang mga customer nito na magpa-preventive desludging o magpalinis ng septic tank ngayong Oktubre.
Layunin nitong maiwasan ang pagtagas ng maruming wastewater papunta sa mga drainage, ilog, sapa, at iba pang daluyan ng tubig.
Isasagawa ang libreng desludging service sa mga piling barangay sa Antipolo, Rizal; Cainta; Taytay; Rodriguez; San Mateo; Binangonan; at Pasig.
Saklaw din ng serbisyo ang mga piling account sa Holy Spirit sa Quezon City, gayundin sa Salapan, Pasadena, at Pedro Cruz sa San Juan City.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Group Head Dittie Galang, mahalaga ang regular na desludging upang mapanatiling maayos ang septic system at mabawasan ang panganib ng polusyon sa tubig. Hinihikayat ang mga kabahayan na magpa-desludge ng septic tank kada lima hanggang pitong taon bilang bahagi ng responsableng pamamahala ng wastewater.