Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na patuloy na magiging mahigpit ang pagsusuri ng senado sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa patuloy na pagkakaroon ng mga proyektong may “red flags.”
Sinabi ito ni Gatchalian sa naging pagdinig sa panukalang budget ng DPWH para sa susunod na taon.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t may mga repormang ipinatupad na ay marami pa ring proyekto ang nakalulusot sa pagsusuri.
Inihayag ng senate president na sa pagsusuri ng kanyang tanggapan, 7,107 sa 11,395 infrastructure projects na nakapaloob sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ang may hindi bababa sa isang red flag.
Umaabot sa 455 billion pesos ang kabuuang alokasyon para sa mga naturang proyekto.
Kabilang sa mga natukoy na red flag ang mga proyektong walang station number o coordinates; duplicate projects; mga proyektong muling lumitaw sa 2027 NEP matapos maisama sa 2026 General Appropriations Act (GAA); lump-sum projects; overlapping at fragmented projects; hindi tukoy na scope of work; at magkakaibang uri ng trabaho na nakalista para sa isang proyekto.
Sinabi ni Gatchalian na marami pa ring dapat pagbutihin sa pagsusuri at pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH. | ulat ni Nimfa Asuncion