Sumaklolo ang Department of National Defense (DND) sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano’y pekeng liham na kumakalat online.
Lumalabas kasi sa sulat na may komunikasyon umano si Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at isang opisyal ng Central Intelligence Agency tungkol sa operasyon sa Ayungin Shoal, gayundin ang kooperasyon ng Pilipinas sa United States government.
Tinawag naman ni Defense Spokesperson Arsenio Andolong na huwad at peke ang naturang dokumento.
Aniya, isa na naman itong pagtatangka ng foreign interference at maling impluwensiya na layuning siraan ang lehitimo at naaayon sa batas na pagsisikap ng gobyerno na ipagtanggol ang soberanya at teritoryo ng bansa.
Naniniwala ang DND at Armed Forces of the Philippines na ang foreign malign influence ay posibleng bahagi ng pagsisikap ng China na pag-away-awayin at lituhin ang mga Pilipino at ilihis ang atensyon sa isyu ng West Philippine Sea.