Nanindigan si House Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na dapat ding ipatupad nang mahigpit ang subjudice o Rule 18 sa respondent na si Vice President Sara Duterte, lalo na at mas mabibigat ang mga pahayag nito.
Ito ay matapos ibunyag ni Tolosa sa media na inadmonished o pinagsabihan siya ng Senate Impeachment Court na maging mas maingat at magpakita ng ibayong pagpipigil sa pagbibigay ng mga pampublikong pahayag na maaaring makaapekto sa merito ng kaso.
Bagamat iginagalang ang pasya ng hukuman, iginiit ng prosekusyon na hihilingin nila ang pantay na ipatupad ang naturang patakaran sa panig din ng Bise Presidente at ng mga tagapagsalita nito, na ayon sa kanila ay mas damaging sa integridad ng korte.
Ipinaalala ni Tolosa na tinukoy kamakailan ng Bise Presidente ang impeachment court bilang isang “zarzuela,” at “lokohan”.
Binigyang-diin ni Tolosa, na ang tanging hinihingi lamang ng kanilang panig ay ang patas at pantay na aplikasyon ng mga patakaran sa magkabilang kampo.