Pinuri ng Philippine National Police (PNP) ang mabilis na pagtugon ng mga tauhan ng Pulisya sa Sultan Kudarat matapos ang isang malakas na tunog na nagdulot ng alarma at napagkamalang putok ng baril sa Isulan National High School.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., agad na siniguro ng mga lokal na yunit ng Pulisya mula sa Isulan Municipal Police Station at Sultan Kudarat Provincial Police Office ang seguridad ng paaralan matapos matanggap ang ulat tungkol dito kahapon.
Nabatid na agad na nagpatupad ng lockdown ang mga tauhan ng Isulan Municipal Police Station at isinailalim sa inspeksiyon ang paaralan sa Barangay Kalawag 1 nang malaman ang tungkol sa insidente.
Kalaunan, kinumpirma ng Pulisya na walang naganap na pamamaril sa loob ng paaralan at na ang malakas na tunog na narinig sa campus ay malamang na dulot ng sirang electrical wiring.
Ayon din sa mga rumespondeng pulis, walang nakuhang bala o ammunition at walang naitalang nasawi o nasugatan sa isinagawang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Nartatez na nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan. Tiniyak din niya sa mga pamilya na patuloy na tutugon nang mabilis at matatag ang Pulisya sa anumang naiulat na banta.