Nais ng National Unity Party (NUP) na tuluyan nang itigil ang pagsasailalim sa mga district projects sa “For Later Release” o FLR.
Giit ni NUP Chair at Antipolo Rep. Ronaldo Puno hindi angkop ang ganitong sistema sa General Appropriations Act dahil hindi malinaw kung kailan ilalabas ang mga pondong itinakda bilang “for later release.”
Sinabi ni Puno na may ilang pondong nasa FLR na umano nang dalawang taon, habang hindi rin malinaw kung sino ang nagdedesisyon kung bakit at kailan ito ilalabas.
Iminungkahi ng NUP na maglagay sa 2027 General Appropriations Act ng general provision na nagsasabing ang bawat appropriation na awtorisado sa batas ay dapat ilabas sa oras na maging epektibo ang GAA.
Dapat din umanong ipagbawal ang pagtatalaga sa anumang appropriation bilang “For Later Release,” “Needs Clearance,” o iba pang katulad na designation na hindi tahasang nakasaad sa GAA.
Iminungkahi rin na ang mga item na nangangailangan ng special budget request ay dapat aksyunan ng Department of Budget and Management sa loob ng 15 araw; kung hindi, ituturing na itong released.
Hiniling din ng NUP na i-report ng DBM sa dalawang kapulungan ng Kongreso, sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng GAA at kada quarter pagkatapos nito, ang lahat ng appropriation na hindi pa nailalabas at ang legal na batayan ng bawat isa.