Pinalalakas ng Bureau of Immigration (BI) ang border security at immigration processing sa bansa sa pamamagitan ng digital technology at automated passenger screening.
Kabilang dito ang Advance Passenger Information System o APIS, electronic gates, at APIS Operations Center na nagbibigay-daan para masuri ang impormasyon ng mga pasahero bago pa dumating ang kanilang flight sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, nakatutulong ang digitalization para mapabilis ang proseso at mabawasan ang manual intervention sa immigration screening.
Umaabot sa lima hanggang 15 segundo ang clearance ng mga kwalipikadong pasahero gamit ang eGates sa normal na operasyon.
Nakakonekta na rin sa APIS ang 49 airlines na sumasaklaw sa halos 99 porsiyento ng international flight operations sa bansa.
Kinilala rin sa international level ang modernization program ng BI matapos itampok ang APIS implementation ng Pilipinas ng International Border Management and Technologies Association.
Batay naman sa 2025 INTERPOL Annual Assessment, nanguna ang Pilipinas sa Asia-Pacific at pang-anim sa buong mundo sa database screening efficiency.