Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang laban sa mga indibidwal na gumagamit ng uniporme ng mga rider at gamit sa motorcycle delivery bilang panakip para sa mga ilegal na gawain.
Ito’y ayon sa PNP ay kasabay na rin ng inaasahang pagdami ng mga tao at paggalaw ng publiko ngayong holiday season.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ito ng pinaigting na alerto ng PNP laban sa mga krimen sa lansangan.
Karaniwang tumataas ang maliliit na krimen habang mas maraming tao ang pumupunta sa mga shopping center, terminal ng transportasyon, pamilihan, at iba pang mataong lugar sa mga buwang papalapit sa kapaskuhan.
Dahil dito, inatasan ni Nartatez ang mga commander na dagdagan pa ang presensya ng mga pulis sa mga lugar na mataas ang posibilidad ng krimen, partikular na sa mga matataong lugar na inaasahang dadagsain ng publiko sa panahon ng kapaskuhan.