Lumagda ang Energy Regulatory Commission (ERC) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Compromise Agreement ngayong araw.
Layon nitong tuldukan ang ilang taong kaso kaugnay ng permit fees at annual supervision and regulation (S&R) fees.
Pinangunahan ang paglagda nina ERC Chairperson and CEO Francis Saturnino Juan at NGCP President and CEO Anthony Almeda sa tanggapan ng ERC sa Pasig City.
Sa ilalim ng kasunduan, kinikilala na ng NGCP ang permit fees at S&R fees ng ERC na ipinataw alinsunod sa statutory mandate nito. Ibig sabihin ay hindi na nito kukuwestiyunin ang naturang fees.
Ituturing na ring bayad ang lahat ng fee na nai-remit na ng NGCP. Mapupunta naman sa National Treasury ang mga nakolekta at kokolektahin pang fee para sa mga programa ng gobyerno, gaya ng basic social services.
Gayunman, hindi binanggit ng ERC kung magkano ang halagang saklaw ng kasunduan.
Matatandaang matagal nang binabayaran ng NGCP ang naturang fees habang ang usapin ay nasa Court of Appeals at Supreme Court.
Katwiran ng NGCP, exempted ito sa lahat ng fees and charges sa ilalim ng franchise law nito. Pero iginiit ng ERC na regulatory at administrative ang mga fee at hindi buwis. | ulat ni Diane Lear