Nakatulong ang maagap na aksyon at koordinasyon ng pulisya at mga paaralan para mapaigting ang kaligtasan sa mga eskwelahan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), agad na natugunan ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pagdadala ng baril sa loob ng paaralan nitong Huwebes, Oktubre 1.
Sa Catarman, Northern Samar, agad kumilos ang mga school personnel matapos makatanggap ng impormasyon na may dalang baril ang isang 15-taong-gulang na lalaking estudyante. Na-secure ang baril at agad itong iniulat sa pulisya.
Habang sa Matalam, Cotabato naman, nakita ng mga pulis at school security personnel sa routine security monitoring ang isang caliber .45 na pistol at walong bala sa compartment ng motorsiklong minamaneho ng isang 17-taong gulang na babaeng estudyante.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang may nakapansin at agad na kumilos. Pero hindi lang aniya ito trabaho ng pulis, kaya kailangan ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng PNP, DepEd, school authorities, LGU, mga magulang at iba pang stakeholder.
Sa ngayon, bineberipika pa ng PNP ang mga detalye ng dalawang insidente. Pero ayon sa PNP, naiwasan ang mas seryosong sitwasyon dahil sa mabilis na aksyon ng mga paaralan at pulisya. | ulat ni Diane Lear