Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapatupad ng mga hakbang sa posibleng epekto ng super El Niño.
Ayon kay DSWD Spokesperson at Disaster Response Management Group Asst. Secretary Irene Dumlao, kabilang dito ang Project LAWA o Local Adaptation to Water Access, at ang BINHI o Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished.
Nakatutok aniya ang mga ito sa water access at food security ng mga vulnerable sector, para makapaghanda sila bago pa tumama ang sakuna.
Sa ngayon, nakapagtayo na ang DSWD ng 5,311 LAWA site na may farm reservoir, irrigation facility at rehabilitated waterways. Habang nasa 8,671 BINHI site naman ang naitayo sa buong bansa, gaya ng communal vegetable garden at root crop farm.
Pinasinayaan din ni DSWD Secretary Rex Gatchalian noong Setyembre 28 ang kauna-unahang Atmospheric Water Generator system sa Barangay Gilotongan, Cawayan, Masbate. Isa itong teknolohiya na kayang gawing malinis na inuming tubig ang moisture sa hangin.
Para naman hindi masira ang mga family food pack sa mga bodega, mino-monitor ng DSWD ang temperatura rito at naglalagay ng mga industrial ceiling fan.
Samantala, nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para maglagay ng heat-insulated area sa mga evacuation center. Nagde-deploy rin ito ng mga water filtration truck sa mga lugar na madaling tamaan ng El Niño. | ulat ni Diane Lear