Inaasahang matatapos na ng House prosecution panel ang presentasyon ng ebidensya nito para sa Article 2 ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa susunod na linggo, ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol.
Sinabi ni Tongol na nananatiling advanced ang impeachment court sa itinakdang trial schedule, sa kabila ng dalawang kanseladong hearing at isang pinaikling pagdinig ngayong linggo.
Ayon kay tongol, nasa 20 trial days ahead ang korte batay sa 62 araw na hiningi ng prosecution sa pre-trial order para maipresenta ang apat na articles.
Para sa article 2, sinabi ni Tongol na humingi ang prosecution ng 12 araw para sa 15 witnesses, pero walong araw na ang nagugol dito.
Apat na araw na lamang ang natitira mula sa orihinal nilang inilaan na oras.
Kabilang sa mga susunod na posibleng testigo ang mga kinatawan ng mga bangko, insurance companies, Bureau of InternalRrevenue at Anti-Money Laundering Council.
Kung matatapos ng prosecution ang natitirang testimonya sa loob ng apat na araw, posibleng matapos ang presentasyon nito sa Thursday o Friday ng susunod na linggo.
Samantala, pinahayag ni Tongol na bagama’t target ng korte na magkaroon ng verdict bago matapos ang taon, nakadepende pa rin ito sa aktuwal na tagal ng presentasyon ng depensa.
Kung gagamitin aniya ng defense team ang buong 30 araw na inilaan para sa kanilang presentasyon, maaaring umabot ang paglilitis hanggang December 16 bago ang susunod na mga hakbang tungo sa desisyon ng impeachment court.