Photo courtesy of Presidential Communications Office
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ginanap na mass oath-taking ceremony ng mga bago at na-promote na opisyal at kawani ng Department of Education (DepEd) Cagayan Valley Region (Region II) sa Santiago Sports Arena sa Barangay Baluarte, Lungsod ng Santiago, Isabela nitong Biyernes, Oktubre 2, 2026.
Sa kaniyang talumpati, muling binigyang-diin ng Pangulo ang kaniyang commitment sa kapakanan at pag-unlad ng karera ng mga guro sa buong bansa.
Ayon sa Pangulo, patuloy ang pamahalaan sa pagpapalawak ng mga oportunidad para sa promosyon at career advancement ng mga guro at heads ng paaralan sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) System.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo na mahigit 82,000 mga guro at school heads na sa buong bansa ang matagumpay na na-promote nitong Setyembre.
Kabilang dito ang 4,125 mga guro at kawani ng DepEd Region II na opisyal na nanumpa para sa kanilang mga bagong posisyon sa ginanap na okasyon.
Bukod sa career progression, binigyang-diin din ng Administrasyong Marcos ang mga patuloy na hakbang upang bawasan ang administrative duties ng mga guro at pagbutihin ang kanilang mga benepisyo.
Ayon sa Pangulo, ang mga suportang ito, kasabay ng pagsusumikap ng mga guro at namumuno sa mga paaralan, ang naging malaking salik sa pagtaas ng marka at pagganda ng resulta ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) sa mga asignaturang Reading, Science, at Mathematics kumpara noong taong 2022.
Kasabay nito, binigyang-pansin din ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga guro, magulang, at buong komunidad. Tiniyak niya na patuloy na susuportahan ng gobyerno ang mga programang lumalaban sa bullying, pang-aabuso, online risks, at iba pang banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.