Nakatutok na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lagay ng mahigit 189,000 pamilyang apektado ngayon ng El Niño.
Bilang bahagi ng response efforts, nakapagpaabot na ang DSWD ng mahigit 43,500 family food packs, 3,660 water containers at higit 2,300 non-food items sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asaiatant Secretary Irene Dumlao, nasa 68,905 benepisyaryo na rin ang nakatanggap ng Emergency Cash Transfer (ECT) para maalalayan ang mga residenteng tinamaan ng matinding tagtuyot.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang payout sa Region II, partikular sa Isabela, kung saan naglaan pa ang DSWD ng karagdagang pondo para sa ECT.
Bukod naman dito, nagdedeploy na rin ang ahensya ng mga water tanker at water treatment unit gaya sa DSWD Field Offices VII at XI bilang karagdagang suporta sa mga komunidad na nangangailangan ng tubig.
Sa kabuuan, umabot na sa ₱714-na milyon ang halaga ng humanitarian assistance ng DSWD para sa El Niño response.
