Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na apektado rin ang mga plebisito sa ilang lalawigan kasunod ng postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) sa November 2.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni COMELEC Chair Erwin George Garcia na kabilang sana sa isasagawang plebisito kasabay ng 2026 BSKE ay ang Ayala, Alabang; Naga City, Camarines Sur; at Davao de Oro upang sana ay makatipid sa gastusin.
Pero ayon kay Garcia, sa Naga City ay maaring matuloy ang plebisito para maging highly urbanized city.
Dagdag pa ni Garcia, may nakalaan nang pondo ang Naga City upang matuloy ang plebisito bagamat hindi sapat at nakiusap aniya si Mayor Leni Robredo na ipursige ito at ituloy.
Paliwanag ni Garcia, sa kasalukuyan ang Naga City ay hindi na bumuboto sa gobernador bagamat ito ay isang siyudad na tinatawag na independent component city.
Samantala, isasabay na lamang ang plebisito sa Ayala, Alabang; CamSur, at Davao de Oro sa BSKE 2028 na ayon kay Garcia ay magpapalit lang ng pangalan.