Planong matapos ngayong taon ang mga drainage project sa UP-Philippine General Hospital (PGH) sa Taft Avenue habang inaasahang makukumpleto naman ang iba pang rehabilitasyon at konstruksyon sa pasilidad ng ospital sa unang quarter ng 2027.
Ito ang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos muling inspeksyunin ngayong araw ang nasabing ospital kasunod ng naunang inspeksyon ng DPWH noong Hunyo, kung saan nadiskubreng napabayaan at natengga nang halos isa’t kalahating taon ang mga proyekto sa nasabing pampublikong ospital.
Ayon kay Sec. Dizon, nasa 2% lamang ang nagawa ng dating contractor sa PGH noon, ngunit matapos ang mabilis na aksyon sa nakalipas na tatlong buwan, umakyat na ngayon sa 30% ang kabuuang accomplishment rate ng rehabilitasyon.
Matatandaang sinimulan ang nasabing rehabilitation project noong December 2024 na may nakalaang mahigit ₱600 milyon at nakatakda sanang matapos noong June 15, 2026 sa ilalim ng contractor nito na Edison Development and Construction Inc. at FS Co Builders and Supply, na iniuugnay bilang partner ng kapatid ng puganteng si dating Representative Zaldy Co.