Ikinalugod ng House Prosecution Panel ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa voting threshold na kailangan para sa conviction sa impeachment case.
Ayon kay House Prosecutor Leila de Lima, malinaw na walang legal standing ang mga petitioner at premature ang kanilang mga inihain.
Sinabi ni De Lima na hindi sa bilang ng boto nakatuon ang Prosecution kundi sa paglalahad ng matitibay na ebidensya upang manaig ang katotohanan.
Ayon naman kay House Prosecutor Chel Diokno, welcome development ang desisyon dahil hindi pa umano justiciable ang usapin.
Aniya, mas mabuting hintayin muna ang pinal na desisyon ng Impeachment Court bago muling dumulog sa Supreme Court.
Samantala, sinabi ni House Prosecution adviser at Spokesperson Ace Barbers na makatutulong ang ruling upang magpatuloy ang paglilitis at makumpleto ng Prosecution ang presentasyon ng kanilang ebidensya.
Binigyang-diin ni Barbers na tututok sila sa pagsusuri sa mga testigo at pagpapatunay sa mga alegasyon sa Articles of Impeachment upang mahikayat ang mga senator-judge.