Ginawang permanenteng government-wide transparency platform ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) COMPASS Portal para mas madaling masundan ng publiko ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa ilalim ng Executive Order No. 126, inaatasan ang mga national government agencies, government-owned or -controlled corporations at government financial institutions na magsumite at regular na mag-update ng budget, procurement, project implementation at iba pang financial data sa COMPASS.
Pananagutan ng bawat ahensya ang pagiging tama, kumpleto, at napapanahon ng kanilang impormasyon, habang maaaring patawan ng administrative o disciplinary sanctions ang mga hindi susunod.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, layunin ng COMPASS na ipakita ang buong daloy ng pondo mula appropriation at fund release hanggang procurement, implementation at completion ng mga proyekto.
Iuugnay rin ang COMPASS sa iba pang government systems gaya ng Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS, Budget and Treasury Management System, at E-Gov PH App.
Lilikha rin ang EO 126 ng COMPASS Council na pamumunuan ng DBM katuwang ang Department of Information and Communications Technology o DICT para bantayan ang compliance at disclosure standards ng mga ahensya.