Mahigit 80 pamilya mula sa Barangay 738 at Barangay 800 sa Malate ang ililipat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa San Ildefonso, Bulacan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang ilang dekada nang naninirahan sa tunnel area o ilalim ng tulay at iba pang lugar na itinuturing na high-risk at vulnerable sa anumang panganib.
Ayon kay DSWD Social Technology Bureau Director IV Marilyn Moral, hindi natatapos sa relokasyon ang pagtulong sa mga benepisyaryo dahil patuloy silang tutulungan sa kanilang paglipat at pagsisimula ng bagong buhay sa komunidad.
Tiniyak naman ng mga kawani ng DSWD at NHA na hindi dapat mabahala ang mga benepisyaryo dahil pinagplanuhan umano ng mga inhinyero at developer ang housing site.
Bawat pamilya ay pagkakalooban ng bahay na may sukat na 40 square meters at dalawang kuwarto.
Magsisimula lamang ang kanilang pagbabayad makalipas ang isang taon.
Sa ngayon, makikita na sa kanto ng San Andres ang mga gamit ng mga residenteng nakalabas at nakaimpake bilang paghahanda sa kanilang biyahe patungong Bulacan.
