Inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order No. 50 na nag-uutos ng pagbabalik ng pangangasiwa at pamamahala sa Mile-Long Property sa Makati City mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) patungo sa Privatization and Management Office (PMO).
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang disposisyon ng ari-arian at matiyak na makukuha ng National Government ang pinakamainam na halaga mula rito.
Ang 22,924-square-meter na ari-arian ay matatagpuan sa Makati Central Business District at nakarehistro sa pangalan ng Pambansang Pamahalaan.
Kung matatandaan, nauna nang inilagay ang ari-arian sa ilalim ng pangangasiwa, pamamahala at redevelopment ng BCDA sa pamamagitan ng Administrative Order No. 21 na inilabas noong 2020.
Ang pagbabalik ng pamamahala sa PMO ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mas mapakinabangan ang mga ari-arian ng gobyerno, magkaroon ng karagdagang fiscal space, at masuportahan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan.
Tiniyak na isasagawa ang disposisyon ng ari-arian sa transparent at competitive na paraan upang makuha ng Pambansang Pamahalaan ang pinakamainam na halaga mula rito.
Kailangan din ng PMO na kumuha ng approval mula sa Privatization Council (PrC) bago isagawa ang disposisyon ng ari-arian. | ulat ni Racquel Bayan