Giniit ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na nagpapatunay sa pagiging “constitutionally bullet-proof” ng mga interpretasyon at naging proseso ng impeachment court ang mabilis na pagbasura ng supreme court sa mga petisyong kumukuwestiyon sa September 23 ruling nito tungkol sa pagtukoy ng baseline sa 2/3 vote requirement para mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tongol na kinikilala ng impeachment court ang naging aksyon ng Supreme Court en banc sa mga petisyong inihain laban sa desisyon.
Aniya, ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon dahil sa kawalan ng standing at pagiging premature ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ni Tongol na nananatiling buo ang September 23 ruling ng impeachment court at patuloy nitong gagampanan ang mandato nitong dinggin at resolbahin ang impeachment case laban sa bise presidente.
Iginiit din ng tagapagsalita na nagsisilbing proteksiyon sa independence ng senado bilang impeachment court ang desisyon ng Supreme Court at hindi dapat maantala ang paglilitis dahil sa mga kasong isinampa sa labas ng impeachment proceedings. | ulat ni Nimfa Asuncion