Nanawagan si Rizal Representative Emigdio Tanjuatco III na gawing konkretong aksyon ang paggunita sa Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month o MANA Mo.
Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Tanjuatco na hindi lamang pinaghihiwalay ng mga isla ang dagat kundi nagsisilbi itong ugnayan ng mga Pilipino at mahalagang bahagi ng ekonomiya, seguridad at kinabukasan ng bansa.
Ayon sa mambabatas, umabot sa ₱1.08 trillion ang ocean economy ng Pilipinas noong 2025, ngunit katumbas lamang ito ng 3.8% ng kabuuang ekonomiya ng bansa.
Kasabay nito, bumaba ng 2.5% ang kabuuang fisheries production noong 2025, habang mas malaki ang ibinagsak ng Marine Municipal Fisheries.
Iginiit ni Tanjuatco na kailangang palakasin ang maritime laws, bumuo ng komprehensibong Blue Economy framework at dagdagan ang pamumuhunan sa Marine Science at Research.
Nanawagan din siya ng mas malaking suporta sa fisherfolk at coastal communities, pagpapalakas ng maritime capabilities at pagsusulong ng maritime literacy sa mga paaralan.
Binigyang-diin ni Tanjuatco na dapat maisalin ang maritime awareness sa batas, pondo, oversight, research, imprastraktura at pangmatagalang national maritime strategy para sa Pilipinas bilang isang maritime at archipelagic nation.