Higit sa 983,000 pampublikong guro sa paaralan na nagtatrabaho sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang nakatakdang makatanggap ng kanilang ₱1,000 World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB) sa Lunes, Oktubre 5, ayon kay Eastern Samar Lone District Rep. Christopher Sheen Gonzales. “Ang ₱983.5 milyong pondo para sa WTDIB ngayong taon ay naka-line-item sa 2026 General Appropriations Law, na may espesyal na probisyon upang matiyak ang maagap na paglalabas nito,” sinabi ni Gonzales sa isang pahayag noong Biyernes.
Naglilingkod si Gonzales sa House committees on appropriations at basic education and culture.
“Tinitiyak namin sa ating mga guro na mananatiling prayoridad ang insentibong ito taon-taon. Sa katunayan, naghain kami ng panukalang-batas na naglalayong dagdagan ang benepisyong ito,” ani Gonzales.
Sa ilalim ng umiiral na batas at mga alituntunin ng DepEd, ang mga kwalipikadong guro sa pampublikong paaralan ay tumatanggap ng ₱1,000 na insentibo tuwing Oktubre 5 bilang paggunita sa World Teachers’ Day.
Ang World Teachers’ Day, na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 5 simula noong 1994 ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ay nagpaparangal sa mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng lipunan.
Sa Pilipinas, idinedeklara rin ng Republic Act No. 10743 ang Oktubre 5 bilang National Teachers’ Day upang parangalan ang dedikasyon at malasakit ng mga edukador na Pilipino.
Noong Mayo ngayong taon, inaprubahan ng 66-miyembrong House committee on basic education and culture na pinamumunuan ni Pasig City Lone District Rep. Roman Romulo ang House Bill 4531, na naglalayong triplehin ang WTDIB, upang bigyan ang bawat pampublikong guro ng ₱3,000 cash incentive sa halip na ang kasalukuyang ₱1,000.
Gagawin din ng panukalang-batas na permanenteng benepisyo ang WTDIB na unang ipinagkaloob ng Kongreso sa mga guro sa pampublikong paaralan pitong taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng simpleng line-item insertion sa General Appropriations Law ng 2019.
Si Gonzales at si 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan ang mga may-akda ng panukalang-batas.
“Ang itinutulak na mas mataas na benepisyo ay hindi lamang isang insentibo kundi isang malinaw na pagpapahayag ng pasasalamat ng ating bansa. Ang mga guro sa pampublikong paaralan ang pundasyon ng ating sistema ng edukasyon. Deserve nila ang pagkilala hindi lamang sa salita kundi sa pamamagitan ng konkretong suporta,” sinabi pa ni Gonzales.
📸: Zyrel Chiquito