Huli ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army, Bureau of Immigration, at National Bureau of Investigation ang nasa 200 dayuhan sa hinihinalang scam hub operations sa Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ng Army’s 1st Infantry Division, huli sa akto ang mga naturang dayuhan sa magkahiwalay na raid sa mga bayan ng Alicia at Siay kaninang madaling araw.
Batay sa impormasyong ibinahagi sa Defense Press Corps ni Maj. Aubrey Guadalquiver, Civil Military Operations Officer ng 102nd Infantry Brigade, pawang mga Chinese national ang kanilang naharang.
Bukod sa mga dayuhan, kinumpiska rin ang nasa 2,000 gadgets na posibleng gamit umano sa kanilang scam-related na aktibidad.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence gathering ng Immigration at NBI hinggil sa ulat na mala-POGO na aktibidad sa lugar.
Dahil dito, mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, at Commonwealth Act No. 613, ang Philippine Immigration Act of 1940 ang mga sangkot.
Sa ngayon ay bina-validate na ng awtoridad ang immigration status ng mga hinuli na maaari rin namang mga biktima ng trafficking, exploitation, coercion, unlawful recruitment, restriction of movement, at iba pang krimen.