Hindi napapatid ang ipinaaabot na tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipinong naapektuhan ng bus crash sa Bavaria, Germany.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, bukod sa medical assistance, transportation assistance, at iba pang agarang pangangailangan ay magbibigay din ng psychosocial interventions at financial assistance ang pamahalaan sa 33 Pilipinong apektado sa bus crash.
Ani Cacdac mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibigay ang pangangailangan ng mga naaksidenteng Pilipino.
Dalawang Pinoy naman ang nananatili pa sa ospital kung saan ang isa ay sumailalim na sa amputation at iba pang operasyon.
Hindi naman titigil ang DMW hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa dalawang Pinoy na namatay sa aksidente.
Ligtas naman nang nakabalik sa Milan ang mga Pilipinong na-discharge na sa ospital matapos ang aksidente.
Titiyakin din ng DMW na makukuhanan ng salaysay ang mga Pilipinong saksi sa nangyaring insidente upang mas mapalakas ang kaso at mapanagot ang mga responsable sa aksidente.