Inihayag ng House Prosecution na matagumpay nilang napatunayan ang paglabag umano ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng hindi pagdedeklara ng mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa ika-32 araw ng paglilitis, ibinunyag ng prosekusyon na dalawang ari-arian ng mag-asawang Sara at Mans Carpio ay hindi nakapaloob sa SALN ng bise presidente.
Ayon kay House Lead Prosecutor Gerville Luistro, kabilang dito ang:
- ₱3,453,849 para sa isang ari-arian sa Samal Island
- ₱6,000,000 para sa isang ari-arian sa Matina, Davao City
Binigyang-diin ni Luistro, na naniniwala siyang nailatag nang malinaw ng prosekusyon ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth), lalo na sa pamamagitan ng mga patotoo at dokumentong inihayag ng opisyal mula sa Land Registration Authority (LRA).