Itinanggi ng House Prosecution Panel ang pahayag na may abogado sa kanilang hanay na “nagpapa-cute” sa isang testigo sa impeachment trial.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, tungkulin ng prosecution na ipakita at patunayan ang mga alegasyon sa Articles of Impeachment at hindi ang makipagpaligsahan sa personalidad ng mga testigo.
Sinabi pa ni Ridon na ipinagmamalaki nila ang kanilang mga prosecutors.
Samantala, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, private prosecutor, na dapat manatiling safe space ang Senado para sa mga kababaihan at senior citizens, lalo na’t naipasa na ang Safe Spaces Act.
Aniya, maaaring naging “misstatement” lamang ang nasabing komento ngunit kaniyang iginiit na mahalagang mapanatili ang respeto at maayos na pakikitungo sa lahat ng kalahok sa impeachment proceedings.
Nauna rito, pinayuhan ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang prosecution kaugnay ng umano’y abogado na “nagpapacute” sa isang testigo.