Sugatan ang 15-taong-gulang na lalaking estudyante matapos atakihin ng isa pang 15-taong-gulang na estudyante sa Balatong Integrated School sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Huwebes ng hapon.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCOL Allen Rae Co na nagsimula ang insidente dahil sa umano’y pagdura sa motorsiklo ng Child in Conflict with the Law (CICL), na pinabibintangan nito ang biktima.
Ayon kay Co, sumugod ang biktima kasama ang isa pang kaibigan sa silid-aralan ng CICL at kinompronta ito kung bakit siya ang pinagbibintangan.
Dito na lumaki ang kanilang pagtatalo at bumunot ang CICL ng balisong at inundayan ng saksak ang biktima.
Tinamaan sa tiyan ang biktima, pero stable na ang kondisyon nito ngayon at nagpapagaling sa ospital.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na dalawa ang guwardiya ng paaralan, pero isa lang ang naka-duty nang mangyari ang insidente.
Tatlo rin ang entrance at exit ng paaralan, pero isa lang ang nababantayan.
Sinabi ni Co na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga paaralan para mapabuti ang seguridad.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng local DSWD office ang CICL para sa intervention at tinitingnan ang pagsasampa ng kaso dahil siya ay 15 taong gulang na. | ulat ni Diane Lear