Photo courtesy O Robert Oswald Alfiler/PNA
Matagumpay na naidaos ngayong linggo ang 4th ASEAN Women Leaders’ Summit, na pinangunahan ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 Chair.
Mahigit 100 regional leaders at policymakers ang nagtipon sa EDSA Shangri-La, Mandaluyong City upang talakayin ang pagpapalakas ng partisipasyon ng kababaihan sa pamahalaan at pagbuo ng mga polisiya.
Kabilang dito ang mga usapin sa ekonomiya, kalikasan, disaster response, at enerhiya, bilang bahagi ng pagsusulong ng mas inklusibong pag-unlad sa ASEAN region.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas sa pagtatapos ng tatlong araw na summit nitong Huwebes, binigyang-diin ni Philippine Commission on Women at ASEAN Committee on Women Chairperson Ermelita V. Valdeavilla na mahalaga ang papel ng kababaihan bilang mga katuwang sa pag-unlad at pagbabago ng rehiyon.
Dahil dito, aniya, kailangang matiyak na maisasalin sa konkretong mga hakbang ang mga napagkasunduan sa summit. Kabilang din aniya sa mga hakbang ang patuloy na pamumuhunan sa edukasyon ng kababaihan, gayundin ang suporta at pakikilahok ng kalalakihan sa pagsusulong ng gender equality.
“All pillars of the ASEAN should start looking at how the recommendations of the women here in the fourth summit will be incorporated into the policies, into the programs, into the activities, and most importantly, the results on the lives of the people,” ayon kay Valdeavilla.
Pinasalamatan din ni Valdeavilla si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa patuloy na pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan, sa Pilipinas at maging sa ASEAN region.