Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga gumagawa ng pekeng banta at ‘fake news’ tungkol sa mga karahasan sa paaralan.
Ito ay matapos kumalat ang ‘fake news’ na mayroong umanong mass shooting sa isang unibersidad sa Dasmariñas City, Cavite nitong Huwebes, October 1.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co na tutugisin ng Pambansang Pulisya ang mga nasa likod ng mga gumagawa ng pekeng banta at ‘fake news.’
Ayon kay Co, hindi kokontrolin ng PNP ang mga inire-report ng media, pero sana ay magkaroon ng sariling discernment ang mga mamamahayag sa pagbabalita.
Sinabi ni Co na dapat maging maingat sa pag-uulat ng mga karahasan dahil marami na aniyang gumagaya ng ganitong mga aksyon.
Sa ngayon, tinitingnan na ng PNP at tine-trace na kung sino ang gumagawa ng maling impormasyon na mayroon umanong mass shooting sa naturang paaralan, gayundin sa iba pang mga eskwelahan.
Tiniyak naman ng PNP na makakasuhan ang mga gumagawa ng maling impormasyon sakaling mapatunayang may nalabag na batas.