Hindi nakawala sa mga awtoridad ang isang Australian national na may arrest warrant kaugnay ng ‘di tamang pagbabayad ng buwis.
Noong September 30, arestado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ng PNP Aviation Security Group at Bureau of Immigration ang isang 36-anyos na Australian matapos lumabas na may nakatala pala itong Alert List Order.
Nang i-verify naman sa E-Warrant system, nakumpirmang may warrant ito sa paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Inirekomenda naman ng korte ang piyansang nagkakahalaga ng ₱120,000 para sa temporaryong pagkakalaya ng dayuhan pero sa ngayon ay nasa kustodiya muna ng Bontoc Municipal Police Station ang dayuhan para sa kaukulang proseso at dokumentasyon.
Binigyang-diin naman ni PNP AVSEGROUP Director PBGen Dionisio Bartolome Jr. na nanatiling mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga paliparan upang agad na mahuli ang sinumang may nakabinbing warrant of arrest.