Inaprubahan ng Budget Amendments Review Subcommittee o BARSC ang karagdagang humigit-kumulang ₱28.36 bilyon para sa mga programa ng Department of Health o DOH sa 2027 budget.
Pinakamalaki rito ang ₱24.965 bilyon na dagdag sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP.
Nadagdagan din ng ₱1.549 bilyon ang Health Facilities Enhancement Program o HFEP, mula sa panukalang ₱4.47 bilyon.
Kasabay nito, binigyang-diin sa BARSC ang malaking backlog at mababang utilization ng mga naunang HFEP allocation, kaya hiniling sa DOH na magpatupad ng catch-up plan para maisakatuparan ang mga proyekto mula 2025 at 2026.
Tinalakay rin ang panukalang special provision para magkaroon ng mas malinaw na qualification at prioritization criteria sa pagpili ng mga health facility na popondohan sa ilalim ng HFEP.
Ayon sa mga miyembro ng BARSC, may mga primary care facility at Super Health Center na hanggang ngayon ay kulang sa kagamitan at hindi pa fully functional, kaya kailangang tiyaking mapupunta ang pondo sa mga pasilidad na higit na nangangailangan.
Dagdag na ₱1.8 bilyon naman ang inilaan para sa nationally procured commodities para sa prevention at control ng communicable diseases, habang ₱50 milyon ang idinagdag sa OSEC operations ng DOH hospitals.