Photo courtesy of PRIB/Cesar Tomambo
Iginiit ni House Prosecution Spokesperson at Adviser Ace Barbers na dapat seryosong suriin ang mga bagong isiniwalat ni dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng umano’y financial transactions at corporate interests na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya.
Ayon kay Barbers, may bahagi umano ng financial trail na tinukoy ni Trillanes na nakumpirma na ng mga independent government records.
Sinabi ni Barbers na 19 na transaksyong random na pinili mula sa sworn affidavit ni Trillanes ang may katumbas na entries sa records ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Pati aniya ang 15 bank accounts na unang ikinumpara ng prosecution sa AMLC records ay nagtugma.
Kabilang sa mga inilantad ni Trillanes ang mga transaksyong dapat ikumpara sa SALN ni Duterte, corporate records ng ilang kompanya, at financial activities na may kaugnayan sa pamilya Duterte at negosyanteng si Samuel “Sammy” Uy.
Binanggit din ni Trillanes ang umano’y malalaking financial inflows mula China, kabilang ang mahigit P319 milyon na sinasabing pumasok sa Cale88 Foods Corporation na iniuugnay kay Atty. Mans Carpio, asawa ng Bise Presidente.
Ayon kay Barbers, hindi na mahalaga kung tumestigo man o hindi si Trillanes dahil nananatili ang AMLC, bank, SEC at SALN records, na patuloy na susuriin ng prosecution at ihaharap sa impeachment court. | ulat ni Nimfa Asuncion