Hinimok ni Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na ipakita ang kahandaan nitong direktang bumili ng palay mula sa mga probinsyang pangunahing nagtatanim ng bigas.
Ayon kay Pangilinan, hindi dapat matapos sa irigasyon at produksyon ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka, kundi dapat ding tiyaking may siguradong merkado para sa kanilang ani.
Bilang chairman ng senate committee on agriculture, food, and agrarian reform, hiniling ni Pangilinan ang province-by-province procurement readiness report na magpapakita kung may sapat na pondo, pasilidad at tauhan ang gobyerno para bumili ng palay sa paparating na anihan.
Kabilang din aniya sa dapat malinaw sa plano kung saang mga probinsya handang bumili ang DA at NFA, gaano karaming palay ang kayang bilhin, magkano ang presyong iaalok at gaano kabilis mabibili at maihahatid sa merkado ang ani ng mga magsasaka.
Sinabi ni Pangilinan na mahalagang palakasin ang pagpapatupad ng 2019 Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga ahensya ng national government at local government units na direktang bumili ng pagkain, kabilang ang bigas, mula sa mga magsasaka at mangingisda nang hindi dumadaan sa public bidding.
Iginiit ng senador na ang tunay na food security ay hindi lang tungkol sa sapat na suplay ng bigas, kundi dapat ding tiyaking kumikita ang mga magsasaka na siyang gumagawa ng suplay na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion